1Si Sarai nga na asawa ni Abram ay hindi nagkaanak sa kaniya; at siya'y may isang alilang babae na taga Egipto, na nagngangalang Agar. 2At sinabi ni Sarai kay Abram, Narito, ngayon, ako'y hinadlangan ng Panginoon na ako'y magkaanak; ipinamamanhik ko sa iyong sumiping ka sa aking alilang babae; marahil ay magkakaanak ako sa pamamagitan niya. At dininig ni Abram ang sabi ni Sarai. 3At kinuha ni Sarai na asawa ni Abram, si Agar na taga Egipto, na kaniyang alila, pagkaraan ng sangpung taon na makatahan si Abram sa lupain ng Canaan, at ibinigay kay Abram na kaniyang asawa upang maging asawa niya. 4At siya'y sumiping kay Agar, at naglihi: at nang makita niyang siya'y naglihi, ay niwalang halaga niya ang kaniyang panginoong babae sa kaniyang paningin. 5At sinabi ni Sarai kay Abram, Ang aking pagkaapi ay sumaiyo: idinulot ko ang aking alila sa iyong sinapupunan; at nang makita niyang siya'y naglihi, ay niwalan akong kabuluhan sa kaniyang paningin: ang Panginoon ang humatol sa akin at sa iyo. 6Datapuwa't sinabi ni Abram kay Sarai, Narito, ang iyong alila ay nasa iyong kamay; gawin mo sa kaniya ang iyong minamagaling sa iyong paningin. At dinuwahagi siya ni Sarai, at si Agar ay tumakas mula sa kaniyang harap. 7At nasumpungan siya ng anghel ng Panginoon sa tabi ng isang bukal ng tubig sa ilang, sa bukal na nasa daang patungo sa Shur. 8At sinabi, Agar, alila ni Sarai, saan ka nanggaling? at saan ka paroroon? at kaniyang sinabi, Ako'y tumatakas mula sa harap ni Sarai na aking panginoon. 9At sinabi sa kaniya ng anghel ng Panginoon, Magbalik ka sa iyong panginoon, at pahinuhod ka sa kaniyang mga kamay. 10At sinabi sa kaniya ng anghel ng Panginoon, Pararamihin kong mainam ang iyong binhi, na hindi mabibilang dahil sa karamihan. 11At sinabi sa kaniya ng anghel ng Panginoon, Narito't ikaw ay nagdadalang-tao at ikaw ay manganganak ng isang lalake; at ang itatawag mo sa kaniyang ngalan ay Ismael, sapagka't diningig ng Panginoon ang iyong kadalamhatian. 12At siya'y magiging parang asnong bundok sa gitna ng mga tao; ang kaniyang kamay ay magiging laban sa lahat, at ang kamay ng lahat ay laban sa kaniya; at siya'y tatahan sa harap ng lahat niyang mga kapatid. 13At kaniyang tinawagan ang ngalan ng Panginoon na nagsalita sa kaniya, Ikaw ay Dios na nakakakita: sapagka't sinabi niya, Namasdan ko rin ba rito ang likuran niyaong nakakakita sa akin? 14Kaya't nginalanan ang balong yaon Balon ng Nabubuhay na nakakakita sa akin; narito't ito'y nasa pagitan ng Cades at Bered. 15At nanganak si Agar ng isang lalake kay Abram at ang itinawag ni Abram, na pangalan sa kaniyang anak na ipinanganak ni Agar, ay Ismael. 16At si Abram ay may walong pu't anim na taon nang ipanganak si Ismael ni Agar kay Abram.